July 31, 2007

PAKIRAMDAM NA EWAN, PART 2

Kakatapos ko lang kausapin si Mommy. Binalitaan ko sya na nagkausap na kami ng kapatid kong babae. Bakas sa salita ni Mommy yung pagkasabik na marinig muli ang boses ng kapatid ko. Sabik syang malaman kung ano na ang lagay nya, kung okay naman ba sila dun, at kung may nahanap na ba silang malilipatang apartment.

Talagang nami-miss na ni Mommy yung kapatid ko. Dahil siguro kasi sya ang bunso, alalang-alala si Ma sa paglipat ng kapatid ko sa China. Nariyan pa't kung anu-anong masasamang balita ang naririnig mo tungkol sa China ngayon. Mga siopao na may lamang hinimay na karton. Mga batang babaeng namamatay dahil sa expired na gamot. Mga asong nagkakasakit dahil may hinalong kung anong gamot sa pagkain. Tapos lately, pati yung paborito nating lahat na White Rabbit, yung malambot na nougat candy, meron daw halong formalin.

Buti na lang may Skype. Murang tumawag sa China pag gamit mo Skype. More than 30 minutes kami nag-usap ng kapatid ko pero parang US$0.50 lang ang natanggal sa prepaid account ko. Pero ang hirap ipaliwanag kay Ma kung papano ko nagagamit yung laptop ko para tawagan yung cellphone ng kapatid ko sa ibang bansa. Sabi ko na lang susunduin ko sya sa Sabado para matawagan namin yung kapatid ko. Sana naman, magkaron ng kusang loob yung kapatid kong lalaki na magpakabit ng DSL sa bahay para madalas silang makatawag sa China.

As usual, pag nag-uusap kami ni Ma, hindi mapipigilang hindi namin pag-usapan yung kapatid kong lalaki. Medyo iba kasi mag-isip yun sa aming tatlong magkakapatid. Siguro dahil sya ang nasa gitna, at lalaki, lumaki syang may taglay na inggit sa akin at sa bunsong kapatid naming babae. To make the long story short, medyo may pagka-pasaway si bro. Hayaan na lang natin sa ganun. Siguro naman kayong may mga kapatid dyan, naiintindihan nyo yung ibig kong sabihin. So ayun, naglabas na naman ng sama ng loob si Ma sa akin. Hindi daw nagkukusang bumili ng grocery. Hindi daw nag-aabot sa mga gastusin sa bahay. Hindi daw pinapaliguan yung mga asong binili nya. Ang masama nito, hindi ko alam kung papano sasagutin si Mommy. Gusto ko mang tumulong, papano? Kaya nakinig na lang ako.

Ang dami na namang umiikot sa isip ko, lalo na 'tong mga nangyayari sa pamilya ko. Mga problemang hindi naman ganap na problema. Mga gustong gawin na hindi ko naman alam kung papano sisimulan. Malamang hindi pa matatapos itong ganitong sitwasyon na lahat ng tanong sa isip mo, ewan lang ang kasagutan.

July 26, 2007

PAKIRAMDAM NA EWAN

Di ko maipaliwanag ang nararamdaman ko ngayon. Malungkot na masaya na ewan. Kaninang umaga kasi, umalis na papuntang Beijing ang kapatid kong babae. Communications attache ng Philippine Embassy sa Beijing ang asawa nya. First time nilang mapo-post overseas. Ganun pala sa DFA. Six years nang six years ang mga assignments. So ayun. Six years sila sa Beijing. Ayos. Next year may libreng hotel na kami para sa Beijing Olympics. Saya diba?

Pero kagabi, di maipaliwanag na lungkot ang naramdaman naming pamilya habang kumakain kami ng hapunan. Bawat subo, ang hirap lunukin. Parang kasing laki ng meatball ng Sbarro's spaghetti yung nakabara sa lalamunan ko. Kahit anong inom ko ng Pepsi Max, ayaw dumiretso sa tiyan ko.

Napapatingin ako sa Nanay ko. Namumula na naman ang ilong. Ganun si Ma pag gustong maiyak. Alam ko pinipigilan lang nya pero siguro ayaw nyang ipakita sa amin yung lungkot na nararamdaman nya nung time na yun. Yung kapatid kong babae kasi yung naging kasa-kasama na nya ever since mamatay si Daddy. Kasamang manood ng sine, magshopping, magmall. Pano na to ngayon.

Bago magboard ng eroplano yung kapatid ko, nagawa pa nga mag text sa akin. Sasakay na daw sila ng eroplano. At sinabi pang dalasan ko daw ang dalaw kay Ma. Panay daw ang iyak kanina nung paalis sila ng bahay.

Masaya ako para sa kapatid ko. Biruin mo yun, makapunta ka ng Beijing at malibot mo ang China at anim na taon mong gagawin yun. Marami sigurong masha-shopping yun dun. Tapos makaka-experience pa sya ng snow ngayong Christmas. Pero at the same time, nalulungkot ako sa Mommy ko. Para siguro syang naputulan ng isang paa. At siguro, ganito rin ang nararamdaman nya ngayon. Yung pakiramdam na ewan.

July 18, 2007

BUHAY PA

Yup. Buhay pa ko. Medyo inis lang sa trabaho, pero kaya pa naman. Matagal na rin pala hindi ko napuntahan tong blog ko. Kadalasan kasi hindi ko rin alam kung ano isusulat ko. Pare-pareho lang naman ang nangyayari sa buhay ko araw-araw. Papasok sa opisina. Internet buong umaga. Kakain ng lunch. Tapos sisimulan ko nang basahin yung mga work emails ko.

Oo. Pasaway ako sa office. Kasi naman halos wala na ko ginagawa. Hindi naman ako binibigyan ng bagong assignments. Hay. Ang hirap talaga pag hindi ka peyborit ni boss.